Tue, 12 Nov 2019

Karneng baboy mula Batangas, ligtas kainin

Philippine Information Agency
21 Oct 2019, 10:38 GMT+10

LUNGSOD NG BATANGAS, Okt. 21 (PIA)- Isinagawa ang lechon boodle fight na tinaguriang Porktober Festival: Eat Pinoy Pork sa Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) compound noong ika-2 ng Oktubre.

Layon ng aktibidad na maipakita sa publiko na ligtas kainin ang karneng baboy dahilan sa pagbaba ng kunsumo dito kaugnay ng pagkalat ng mga maling balita ukol sa African Swine Fever (ASF).

Sinabi ni AGAP Partylist Representative Rico Geron na walang dapat ipangamba sa pagkain ng karneng baboy lalo na ang mga galing sa Batangas dahilan sa ito ay walang anumang banta sa kalusugan ng publiko.

"Malaki ang epektong dulot ng ASF dahil ang mga tao ay natatakot bumili ng karneng baboy kaya't napakalaki ng epekto nito sa ating mga magbababoy dahil mababa ang demand nito sa merkado at halos walang gustong bumili. Ang Batangas ang ikalawa sa pinakamalaking supplier ng karneng baboy sunod sa Bulacan kaya't lahat ng pag-iingat buhat ng kumalat ang balita ukol sa ASF ay aming isinasagawa lalo na ang biosecurity measures sa lahat ng babuyan," ani Geron.

Ayon naman kay Dr. Rommel Marasigan, pinuno ng Provincial Veterinary Office, wala pang anumang naitalang kaso ng ASF sa lalawigan at patuloy ang pagsasagawa ng monitoring at animal checkpoints sa lahat ng entry at exit points sa lalawigan.

"Ang ASF ay isang virus at karaniwang nakukuha ito sa pagpapakain ng kaning baboy na kontaminado ng naturang virus. Hangga't maaari ay ipinapayo natin sa mga magbababoy na iwasan ang swill feeding sapagkat mabilis kumalat ang virus ng ASF. Bagamat hindi ito banta sa kalusugan ng tao kailangan pa din ang malawakang pag-iingat dahil ang maaapektuhan nito ay ang industriya ng pagbababoy. Sumunod din po tayo sa pagpapatupad ng strict biosecurity measures kung saan kailangang i-disinfect ang kulungan ng baboy, mga sasakyan at kagamitang para sa mga baboy," ayon kay Marasigan.

May 15 lechon ang sama-samang pinagsaluhan ng may 400 stakeholders sa lungsod ng Batangas. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

More Africa News

Access More

Sign up for The Africa News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!